Wednesday, May 27, 2009

Ang Pagtatagpo

Nagkita sila sa tagpuan ng nagmamahalang umaga at gabi.

Noong mga panahong nilalakad pa ng mga Alamat ang ibabaw ng mundo.

Sa isang maliit na islang bato sa gitna ng karagatan. Isa lamang sa mga libo-libong mga isla na tila mga perlas na hindi sadyang nagkandahulog sa mga kamay ng Maykapal habang abala sa paglikha ng isang paraiso sa kabilang dako ng mundo.

Nilangoy ng mandirigma ang islang bato. Iba ang pangalan ng lugar noon. Nang yakapin ng sumunod niyang mga angkan ang panibagong mundo, ang mga dating pangalan ng mga bundok at sulok na siya ring nilalakad natin ngayon ay nabaon na sa limot.

Suot niya ang iniukit na agila na nakasabit sa kanyang leeg. Kaninang madaling araw lang, inikot niya ang gubat para sa kapiurasong sanga ng pinakamalaki at pinakamatandang puno sa gitna nito. Maghapon siyang nagmukmok sa pag-uukit sa ilalim ng higanteng puno, tila nagdarasal sa mga enkantong naroroon na gabayan ang kanyang mga daliri sa paghubog ng isang simbolo ng paglaya, ng pagmamahal na walang bukas, at ng pagpapaalam sa buhay na dapat na niyang talikuran.

Habang lumalangoy palapit ng isla, natanaw niya ang isang hugis na nakaupo, tila nananalangin, naghihintay, at isang malambot na yakap ang sumalubong sa mandirigma sa kanyang pag-ahon. Sinalubong niya si Tala ng ngiti at hawak-kamay silang naghanap ng isang sulok na kayang bantayan at gampanan ang kanilang sabik at lihim na mga panalangin.

Pagkalipas ng ilang oras, lumitaw mula sa kadiliman ang mandirigma, suot, sa halip ng inukit na Agila, ang isang perlas na itim, galing sa kailaliman ng karagatan, kasinlaki ng rosas na hindi pa namumukadkad. Naglakad siya patungong dagat, muli itong sinugod, muling lumangoy patungo sa isang sasakyang pandagat sa kalayuan, at hindi na, ni minsan, lumingon pa sa kanyang pinagpaalamang nakaraan.

Umagos ang luha ni Tala habang tinatanaw ang mandirigma. Hawak niya ang agilang inukit mula sa isang banal na punongkahoy na hinding-hindi niya maaaring makita. Simbolo ng paglaya. Simbolo ng pagmamahal. Simbolo ng pagpapaalam. Simbolo ng sumisigaw na puso't kaluluwa, sapagkat hindi maaaring tumunog ang kanyang mga labi. Ang mga taong nilikha ng Maykapal para sa lupa ay hindi nilikha para makakayanan ang kaakit-akit na boses ng mga katulad niya. Kung gugustuhin lang niya, isang mapanuksong awit lang ang bibitawan at hinding hindi na babalik sa lupa ang sinumang lalakeng makakarinig. Ngunit mahal niya ang mandirigmang ito at minahal siya ng kusa, walang kasamang hiwaga kundi ang totoong hiwagang likas na nabubuhay sa tuwing may dalawang nilalang na nag-iisang puso. Sa halip, unti-unting nawala ang kislap ng mga bituin. Parang mga kandilang isa-isang hinipan ng naaawang si Bathala, upang sukubin ng dilim ang kanyang mga luha, habang unti-unting dinudurug ang kanyang puso ng bawat hakbang ng kanilang paglayo.

Nang mamasid niyang nakaahon na ang mandirigma, hila ng mga kasamahan nitong gulat nang makita ang kanilang pinunong lumalangoy sa dilim patungo sa kanilang malaking banka, muling lumakad patungong dagat si Tala. Dahan-dahang lumapit sa tubig at unti-unting naramdaman ang pagpanaw ng kanyang mga paa sa bawat haplos ng maalat na alon. Pagdating ng bukangliwayway, ulap at araw na lamang ang mga saksi sa pagpalit-anyo ng kanyang mga binti.

Sumisid siya sa kalaliman at hindi na umahong muli.